P3.312-T TAX COLLECTION GOAL NG BIR SA 2022

Erick Balane

SA PAGPASOK ng taong 2022, nahaharap sa mabigat na hamon ang Bureau of Internal Revenue (BIR) para kolektahin ang tax goal nitong P3.312 trilyon, mas mataas ng 12.4% kung ikukumpara sa kasalukuyang target na P2.942 trilyon at ng 12.42% kumpara noong 2020.

Isa sa pinakamatinding suliranin ng Kawanihan ay ang sinasabing patuloy na pagbagsak ng tax collections ng Large Taxpayers Service (LTS) na nag-iimbestiga sa 1st 5,000 bigtime corporations sa bansa kung saan ang 60% ng kabuuang tax goal ng BIR ay ito ang may mandatong kumolekta habang ang nalalabing 40% ay mula sa regional at district levels o yaong tinatawag na medium and small taxpayers sa bansa.

Kumpara noong 2020, bago pumutok ang COVID-19 pandemic, ang LTS ay nakakolekta ng P128.59 bilyon, sumobra pa sa adjusted target na P113.64 bilyon ng hanggang P14.95 bilyon o 13.15% ang increase kumpara sa 2019 collection.

Sa pananalasa ng pandemya, nagsimula na ring dumanas ng pagbagsak ng koleksiyon ang LTS kung saan naapektuhan ang tax collections sa excise tax mula sa alcohol, petroleum, tobacco. sweetened beverages, cosmetics at iba pang produkto sanhi ng pinsalang idinulot sa industriya ng turismo (airlines), pananalapi (banking), minings at mga produktong kinakaltasan ng excise taxes.

Napupunan lamang ang shortfall na tinatamo ng LTS sa pamamagitan ng buwis na nakokolekta ng regional at revenue district levels mula sa bulto ng koleksiyon nito sa National Capital Region o mula mismo sa mga distrito na nasasakop ng City of Manila, Quezon City, Makati City, Caloocan City, South NCR at East NCR, gayundin sa Cordillera Administrative  Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, SoocckSargen, Caraga at Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Sa kabila ng ganitong sitwasyon, kumpiyansa pa rin sina Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III at BIR Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay na kayang kolektahin ng BIR at Bureau of Customs (BOC) ang iniatang sa kanilang tax goal kung magko-concentrate lamang sa pangongolekta ng buwis at isasantabi ang korupsiyon na siyang sumisira sa dangal at reputasyon ng alinmang tanggapan sa pamahalaan.

Kabilang din sa sinasabing suliranin sa BIR ay ang ‘hijacking of tax cases’ o yaong mga kasong inaagaw ng National Investigation Division (NID) sa LTS at mga tax cases na inaagaw naman ng LTS sa mga regional at district offices na mano’y mabilisang tinatapos na  dahilan ng pagbagsak ng tax collections at pinag-uugatan ng korupsiyon.

Ang pangamba nga lamang ng mga eksperto sa papasok na taong 2022 o sa huling yugto ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte ay aabot sa P3.312 trilyon ang tax collection goal o mas mataas ng 12.49% kumpara sa tax goal ng 2021 at sa kung anong paraan nila ito makokolekta sa sandaling magpatuloy ang pananalasa ng pandemya sa ekonomiya.

Isa sa mga paraang regular na ginagawa ni Commissioner Dulay ay ang madalas nitong pakikipagpulong sa pamamagitan ng Zoom kina Metro Manila BIR Regional Directors Ed Tolentino. (East NCR), Albino Galanza (Quezon City), Jethro Sabariaga (City of Manila), Gerry Dumayas (Caloocan City), Ed Pagulayan at Saripoden Bantog (South NCR) at  Maridur Rosario (Makati City) para paghandaan ang massive tax collection activities at i-monitor ang koleksiyon sa buwis.

Napag-alaman na plano nang magretiro ang hepe ng LTS dahil sa patuloy na pagbagsak ng tax collections nito.

Taong 2020 ng bigyan ng komendasyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso sina Secretary Dominguez at Commissioner Dulay matapos makuha ang  tax goal sa kabila ng pandemya.

Sa pagtatapos ng 2021, duda ang karamihan sa key officials ng BIR at BOC na makukuha nilang muli ang iniatang sa kanilang tax goal dahil sa malalang pagbagsak ng ekonomiya ng bansa bunga pa rin ng pandemya.

Sa pagreretiro sa serbisyo kamakailan ni BIR Deputy Commissioner for Human Resource Celia King, wala pang ipinalalabas na Revenue Travel Assignment Order (RTAO) sina Dominguez at Dulay kung sino sa hanay ng mga regional direrctor ang ipapalit dito.

Inaasahan sana ang balasahan o paglabas ng RTAO sa BIR sa pagreretiro ni King bago ang deadline ng filing of certificate of candidacy ng mga kandidato sa national at local levels nitong Oktubre 8.

Sinabi ng source na posibleng lumabas ang major shake-up o rigodon sa BIR bago magsimula ng campaign period o sa panahon na iiral ang ban sa hiring, suspension at iba pang kautusan batay sa ruling ng Civil Service Commission sa panahon ng halalan.

vvv

(Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa  09266481092 o mag- email sa drerickcbalane@mail.com)

4 thoughts on “P3.312-T TAX COLLECTION GOAL NG BIR SA 2022”

Leave a Reply

Your email address will not be published.