TINATAYANG nasa P3,400,000 halaga ng shabu ang nakumpiska sa drug dealer na naaresto sa ikinasang buy-bust operation nang pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) RO III, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) RFU3 at ng Parañaque City police kahapon sa Barangay Baclaran.
Kinilala ni Southern Police District Office (SPDO) director Brig. Gen. Jimili L. Macaraeg ang suspek na si Nabel Sarip y Bongaros, 23-anyos, residente ng Parañaque City.
Base sa report na isinumite ng Parañaque City police sa SPDO,ang matagumpay na pagkakaaresto sa suspek dakong alas-3:10 ng hapon nitong Sabado sa harap ng Raf Mansion Hotel sa Service Road northbound ng Roxas Boulevard, Barangay Baclaran, Parañaque City.
Bago pa man naisagawa ang naturang operasyon, nauna nang isinailalim ng mga awtoridad ang suspek sa surveillance at nang magpositibo ang nakalap nilang impormasyon ay ikinasa ang buy-bust operation na siyang ikinaaresto nito.
Nakumpiska sa posesyon ng suspek ang dalawang transparent plastic bag na naglalaman ng humigit-kumulang 500 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P3,400,000, 1 unit ng Samsung keypad cellphone at 1 piraso ng P1,000 na kasama ang 7 bundle ng boodle money na ginamit sa buy-bust operation.
Itinurn-over sa SPDO Crime Laboratory ang nakumpiskang shabu para maisailalim sa chemical analysis.
Pansamantalang nakapiit sa detention facility ng Parañaque City police ang suspect na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 15 Article II ng RA 9165 sa Parañaque City prosecutor’s office.
“Ang matagumpay na operasyon na ito ay sanhi ng kooperasyon at pagtutulungan n gating mga pulis at ibang ahensya ng pamahalaan. Nakikita nyo naman na sa araw-araw ay walang humpay ang ating kapulisan sa SPD sa kanilang operasyon upang masugpo ang problema sa ilegal na droga ng mga mapagsamantalang mga drug pushers kahit na may pandemya,” ani Macaraeg. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.