COTABATO CITY- TINATAYANG nasa P3.4 milyon halaga ng shabu ang nasabat sa inilunsad na anti- narcotics operation ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency sa may Bubong Road, Tamontaka 1sa lalawigang ito kamakalawa ng madaling araw.
Nagresulta naman ito sa pagkakaaresto sa isang high value target na kinilalang si Buhare Tutin Abusupian alyas Warex Guinno Abusupian alyas Tutin/alias Misuari, 22-anyos, may asawa, at residente ng Barangay Damablac, Talayan, Maguindanao.
Si Abusupian ay siyang responsable sa pagpapalaganap ng illegal drugs sa mga kalapit na bayan sa Maguindanao at Cotabato City.
Ayon kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, nakumpiska sa operasyon ang sampung piraso ng plastic sachet ng shabu na may timbang na humigit-kumulang 500 gramo na nagkakahalaga ng P3.4 milyon, ang ginamit na buy-bust money, at isang unit ng mobile phone na ginagamit ng suspek sa pakikipagtransaksyon sa mga parokyano.
Sa ulat na natangap ni Villanueva , naglatag ng joint buy bust operation ang mga tauhan ng PDEA BARMM, PNP-Maritime, 99th Infantry Battalion, Philippine Army, CCPO-Police Station 3, NBI BARMM, HPG-BAR, DOS-MPS, at CCPO-CDEU laban sa suspek.
Nasa kustodiya na ngayon ng PDEA BARMM Jail Facility ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165
Ayon kay Villanueva , tuloy tuloy ang operasyon ng PDEA laban sa mga ayaw pang tumigil sa pagbebenta ng droga ng bansa. VERLIN RUIZ