NASAMSAM ng mga awtoridad sa dalawang hinihinalang tulak ng illegal na droga ang mahigit P3.4 milyon halaga ng shabu matapos masakote sa isinagawang buy bust operation sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga naarestong suspek bilang sina Marlon Padilla, 43-anyos, may-asawa at Alexander Policarpio, 41-anyos, may live-in-partner.
Sa ulat, dakong alas-3 ng hapon nang magsagawa ng joint buy bust operation ang mga operatiba ng PDEA IV-A Batangas PO at PDEA 4A Regional Special Action Team (RSET 1 and RSET 2), PDEA NCRO North District at Valenzuela City Police Station sa ilalim ng pamumuno ni Col. Salvador Desturta Jr sa harap ng Parking Area, Go Gen. T Central Building, Brgy. Gen T De Leon.
Nasakote sa operation ang mga suspek at nakumpiska sa kanila ang humigi’t kumulang 500 gramo ng shabu na may standard drug price P3,450,000.00 at buy bust money.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. EVELYN GARCIA