CAVITE – TINATAYANG aabot sa P3.4 milyong halaga na shabu ang nasamsam sa 2 drug couriers sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa parking area ng mall sa DaangHari, Brgy. Molino 4, Bacoor City, Cavite kamakalawa ng hapon.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 ang mga suspek na sina Joery Villafane y Sanchez, 37-anyos, ng Brgy. Pasong Camachile, General Trias City, Cavite; at Ignito Mejares y Merana, 42-anyos, ng #162 Profietarios St. Pasay City.
Base sa police report mula sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, isinailalim sa masusing surveillance ang mga suspek kaugnay sa modus operandi na drug trade sa nabanggit na lugar.
Nang magpositibo ang kalakaran ng droga laban sa mga suspek ay inilatag ang anti-illegal drug operation ng pinagsanib na puwersa ng PDEA PRO-3, Bulacan PPO, Cavite PPO, PDEA 4A, at Bacoor CPS.
Nasakote naman ang mga suspek matapos makipag-deal sa isang pulis na poseur-buyer kung saan nasamsam ang 500 gramo ng shabu na may street value na P3.4 milyon.
Isinailalim sa tactical interrogation at drug test ang dalawa habang pina-chemical analysis sa Regional PDEA Laboratory ang 500 gramo na shabu na gagamitin sa inquest proceedings sa Provincial Prosecutors Office. MARIO BASCO