MAKARAANG magpatupad ng rolbak noong nakaraang linggo ay inanunsiyo kahapon ng mga kompanya ng langis ang taas-presyo sa kanilang mga produkto.
Sa magkakahiwalay na abiso, sinabi ng Cleanfuel, Petro Gazz, Seaoil, at Total na may dagdag na P3.40 sa presyo ng kada litro ng gasolina at P8.65 sa kada litro ng diesel simula alas-6 ng umaga ngayong Martes, March 29.
Inanunsiyo rin ng Seaoil ang P9.40 kada litrong price increase sa kerosene.
Ang taas-presyo ay kasunod ng kauna-unahang rolbak na ipinatupad ng mga kompanya ng langis ngayong taon noong March 22 kung saan ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P5.45, diesel ng P11.45 at kerosene ng P8.55.
“These resulted to the year-to-date adjustments to stand at a net increase of P14.90/liter for gasoline, P19.20/liter for diesel and P16.35/liter for kerosene,” ayon sa Department of Energy (DOE) sa latest oil monitor nito.