ANG dalawang tax agencies ng bansa —Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs — ay naatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na kumolekta ng kabuuang P3.436 triyon sa taxes and duties ngayong 2023 taxable year.
Ang koleksiyon sa buwis ng BIR at BOC ay mas mataas ng halos 10.34% kumpara sa nakalipas na tax fiscal year.
Kumpiyansa sina Finance Secretary Benjamin Diokno at BIR Commissioner Romeo Lumagui, Jr. na kaya nilang makuha ang bagong tax collection goal.
May direktiba si Commissioner Lumagui kina Deputy Commissioner for Operations Maridur Rosario at Assistant Commissioner for Large Taxpayers Jethro Sabariaga na pagsikapang makuha ang bagong tax goal sa taong ito para matugunan ang suliranin ng administrasyong Marcos sa pananalapi.
Sa laki ng tax collection goal ngayong fiscal year, inilatag sa isang command conference ng Metro Manila Revenue Regional Directors ang kanilang massive tax campaig para higit na mapataas ang revenue tax collections.
Pinangunahan ito nina Mega Directors Edgar Tolentino (South NCR), Albin Galanza (East NCR), Dante Aninag (Makati City), Bobby Mailig (Quezon City), Renato Molina (City of Manila) at Gerry Dumayas (Caloocan City)
Nahigitan ng BIR ang kanilang 2022 tax collection goal noon pang nakalipas na Agosto nang halos 4.46% o karagdagang P9.766 bilyon ang kanilang nakolekta bago matapos ang nakaraang taon.
Kabilang naman sa service jurisdiction ng Revenue District Officers (RDOs) ang frontline assistance taxpayers, pre-process and encode key information sa mga returns at payments, field audit investigations of taxes, pagkolekta sa summary remedies, pag-forfeit sa mga properties/aquired assets sa hindi binabayarang buwis at maraming iba pa.
Kamakailan ay isang pagbalasa sa hanay ng mga regional director ang ipinatupad ni Commissioner Lumagui.
Sa mga susunod na araw ay inaasahan namang gagalawin nito ang hanay ng mga revenue district officer sa buong kapuluan na ang layunin ay higit na mapataas ang tax collection at mapagsikapang makolekta ang bagong tax collection goal.
Una nang nag-warning si Commissioner Lumagui sa BIR top officials na huwag gumamit ng “padrino” at siya mismo ang dapat kausapin sa sinisimulang balasahan o paglilinis sa Kawanihan.
Sinabi ng BIR chief na sa kanyang administrasyon ay hindi papayagan na mamayani ang ‘palakasan’ o ‘bata-bata system’ sa halip, ang paiiralin niya ay ibabase sa tax collection performance.
Si Commissioner Lumagui ay itinalaga ni Pangulong Marcos bilang bagong chief ng BIR matapos palitan sa puwesto si dating Commissioner Lilia Guiller na nagsilbi lamang ng halos apat na buwan sa hindi binanggit na dahilan.
Ang pagpapatuloy ng major shake-up sa BIR ay may konsultasyon kay Secretary Diokno.
vvv
Para sa komento, mag-email sa [email protected] o tumawag sa 09266481092.