P3.455-B YOLANDA FUNDS LIQUIDATED NA – DILG

Yolanda Funds

QUEZON CITY – NASA P3.455-billion o 85% ng kabuuang P4.055-billion para sa Recovery Assistance ng Yolanda (RAY) ang natapos na ang liquidation ng ilang local government units (LGUs) at ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ang nasabing paggugol ay para sa konstruksiyon ng mga pasilidad ng gobyerno.

Ito ang naging tugon ng DILG sa 2018 report ng Commission on Audit (COA) kung saan nabigo umanong ma-liquidate ang P1.059 bilyong pondo sa ilalim ng Recovery Assistance for Yolanda (RAY) project.

Sakop ng proyekto ang pagsasaayos sa mga pasilidad ng gob­yerno na nasira ng bagyo tulad ng mga municipal hall, public market, civic center at iba pa.

Ngunit ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, 15 porsiyento o P600.67 milyong pondo na lamang ang hindi pa naliliquidate hanggang noong Hulyo 4, 2019.

Hindi aniya naisama sa COA report ang ibang nagawang aksiyon sa proyekto mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon.

Sinabi pa ng COA na sakop ng unliquidated funds ang P219 milyong alokasyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at P839 milyon para sa mga local government unit (LGU).

Nilinaw naman ni Año na inilipat na ang mga nasabing pondo sa DPWH at mga LGU kung saan ay ipinag-utos na ang pagsasagawa ng liquidation dito. PAULA ANTOLIN

Comments are closed.