IPINAGMALAKI ni PNP Director for Logistics MGen Ronaldo E Olay na matagumpay na naisakatuparan ng PNP ang P3.5 bilyon halaga ng procurement projects na bahagi ng Capability Enhancement program ng PNP.
Ayon kay Olay, ito ay binubuo ng 17 proyekto mula 2020 hanggang sa kasalukuyang taon na kinabibilangan ng mga bagong high-speed tactical watercraft, Utility Truck, Medium Troop Carrier, patrol jeeps at iba pa.
Matatandaan na ang mga bagong biling gamit ay iprinisinta kay PNP Chief Gen. Dionardo Carlos noong nakaraang Pebrero 9 Sa Camp Crame.
Kaugnay nito, ginawaran ng plaque of appreciation kahapon ng umaga sa Camp Crame ang mga miyembro ng PNP National Headquarters-Bids and Awards Committees (NHQ-BAC), Technical Working Group, NAPOLCOM, People Power Volunteers for Reforms (PPVR), at Commission on Audit sa kanilang papel sa mahusay at transparent na procurement process.
Pinuri naman ni PNP Deputy Chief for Administration Police Lt. Gen. Rhodel Sermonia ang mga awardee sa pagtiyak na walang bahid ng korapsyon ang procurement process sa PNP. EUNICE CELARIO