CENTRAL LUZON-NAKASAMSAM ang mga operatiba ng PRO-3 ng halagang umaabot sa P3.5 milyon iligal na droga at pagkaka-aresto sa 163 drug suspect sa Central Luzon bilang resulta ng isang linggong operasyon na pinaigting sa anti-criminality operations sa rehiyon.
Sa pahayag ni BGen. Jose Hidalgo Jr., Director ng Police Regional Office-Central Luzon (PRO-3) nasa 508.75 gramo ng shabu at 321.70 gramo ng marijuana na may tinatayang Dangerous Drugs Board value na P3,498,120 ang nakumpiska nitong Agosto 7 hanggang 13 .
Aniya, ang pinakamalaking huli ay ang P1.08-million shabu na nasabat sa dalawang operasyon sa Angeles City, Pampanga nitong Agosto 11.
“Ang mga pagsisikap na ito ay naglalayo upang tiyakin ang kaligtasan at kagalingan ng publiko at magbigay ng isang ligtas na kapaligiran upang manirahan, magtrabaho, at magsagawa ng negosyo,” ani Hidalgo.
Bukod sa iligal na droga, pinaigting din ng PRO3 ang kampanya laban sa mga wanted person, illegal possession of firearms at illegal gambling activities.
Sa 247 na naarestong pugante, sinabi niyang 34 dito ay pawang mga most wanted person at 213 iba pa ang nakagawa ng iba’t ibang krimen tulad ng pagpatay, frustrated murder at panggagahasa.
Samantala, sinabi ni Hidalgo na tatlong dating rebelde ang sumuko at nakakumpiska sila ng dalawang baril habang 121 katao ang inaresto dahil sa iligal na sugal na nauwi sa pagkakakumpiska ng P65,847 na money bets. EVELYN GARCIA