P3.5-M SHABU NASABAT SA LADY PUSHER

TINATAYANG nasa P3.5 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat ng mga awtoridad sa isang babae na tulak umano ng droga matapos masakote sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City kamakalawa ng hapon.

Batay sa report na isinumite ni NPD Director BGen. Ulysses Cruz kay National Capital Regional Poluce Office (NCRPO) Director PMGen. Felipe Rivera Natividad, ang naarestong suspek ay nakilalang si Meljorie Felix alyas “Tibo”, 42-anyos, ng Barrio Sta Rita, Camaito St. Barangay 188, Tala, ng lungsod.

Sa report ni District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD) chief PLt. Col. Renato Castillo, dakong alas-5 ng hapon nang magsagawa ang mga operatiba ng DDEU ng buy bust operation sa Riverside St., Phase 12, Brgy. 188, Tala kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P35,000 halaga ng droga.

Nang tanggapin ng suspek ang marked money mula sa pulis na umakto bilang poseur-buyer kapalit ng isang large heat sealed transparent plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinakip ng mga operatiba.

Nakumpiska kay Felix ang humigi’t kumulang 525 gramo ng shabu na may standard drug price P3,570,000.00, buy bust money na isang tunay na P1,000 bill at 34 pirasong P,1000 boodle money at brown sling bag.

Sasampahan ang suspek ng kasong paglabag sa section 5, Article II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. EVELYN GARCIA