P3.5M HALAGA NG DROGA NASAMSAM NG PDEA

CENTRAL LUZON- PITONG dried Marijuana bricks na tinatayang aabot sa halagang P840K ang nasamsam ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Bataan habang nasa P2.7 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad sa Mabalacat, Pampanga.

Ayon kay PDEA Public Information Office Director Derrick Carreon, nasa 7 kilos na pinatuyong dahon ng marijuana bricks ang nasabat ng pinagsanib puwersa ng PDEA Region III – Bataan Provincial Office, Provincial Police Drug Enforcement Unit (PPDEU) Bataan PPO, Provincial Intelligence Branch at local police sa ikinasang entrapment operation sa kahabaan ng Brgy. Batangas II.

Sa isinumiteng ulat kay PDEA Director General Wilkins Villanueva ni PDEA3 Regional Director Christian Frivaldo, kinilala ang nadakip na drug personality na si Mervin L Morado, 25-anyos ng Brgy. Batangas II, Mariveles, Bataan.

Samantala , isang buy bust operation ang ikinasa ng Mabalacat Police sa McArthur Highway sa Barangay Tabun kung saan nadakip si Arnel Gonzales, 30-anyos, residente ng Barangay Pandan, Angeles City, Pampanga na kabilang sa database of illegal drug personalities ng PNP at kilalang sangkot sa illegal drug trade sa Mabalacat at Angeles City, Pampanga.

Nakuha sa suspek ang siyam na sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na 400 grams na nagkakahalaga ng mahigit P2.7 milyon.
Kinumpiska rin ng mga awtoridad ang digital weighing scale at isang pulang kotse na may plaka na TLE296. VERLIN RUIZ

Comments are closed.