NAKAKOLEKTA ng tumataginting na P3.6 bilyong buwis sa negosyo ang Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng Parañaque para sa taong 2021.
Sinabi ni BPLO chief Atty. Melanie Soriano-Malaya na sa kanyang pag-upo bilang hepe ng departamento noong 2013 ay inabutan niya na nakakolekta lamang ang lungsod ng P935 milyon ng business taxes.
Ayon kay Malaya, kahit pa noong panahon ng pandemya nang nakaraang taon ay naiangat ng BPLO ang kanilang koleksyon sa P3.6 bilyon matapos na kanilang umpisahan ang aplikasyon at renewal ng business permits sa pamamagitan ng transaksyon sa online.
Simula nang maipatupad ang transaksyon sa online ay naging mas madali para sa mga negosyo sa lungsod ang aplikasyon, renewal, pagbabayad at assessment ng kani-kanilang business permits.
Kasabay nito, sinabi ni Malaya na ang lokal na pamahalaan ay nag-alok din ng pinakaunang business tax amnesty sa mga lokal na negosyo na nag-ooperate sa lungsod.
Matatandaan na inaprubahan ng Sangguniang Panglungsod ang isang ordinansa na magbibigay ng amnestiya sa penalties, surcharges, at interes na naipon dahil sa hindi pagbabayad ng buwis sa negosyo at iba pang bayarin na nakapaloob sa panahon mula Marso 2020 hanggang Disyembre 31, 2021.
MARIVIC FERNANDEZ