P3.7-B AYUDA SA FARMERS

FARMERS

AABOT sa P3.7 billion ang inilaang tulong pinansiyal ng Department of Agriculture (DA) sa libo-libong magsasaka na naapektuhan ng bagyong Usman at iba pang ka­lamidad.

Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, maglalaan sila ng nasabing halaga mula sa kanilang pondo ngayong taon.

Aniya, aabot sa  28,714 magsasaka ang makikinabang sa tulong pinansiyal na ipagkakaloob ng ahensiya.

Sa paliwanag ng kalihim, P25,000 ang kanilang ibibigay na soft loan at P5,000 ayuda mula sa Survival and Recovery Assistance Program (SURE) ang DA.

Kasama sa programa ang pagkakaloob ng libreng farm seeds sa mga magsasaka para pamalit sa kanilang mga nasirang tanim.

Sa pagtaya ng DA, aabot sa 12,000 ektaryang lupain ang nawasak matapos magkaroon ng malawakang pagbaha at mga pagguho ng lupa sa Bicol Region kung saan mahigit sa P400 million ang napinsala sa sektor ng agrikultura.

Sa datos ng DA, sa palay ay nasa P366.07-million damage o 6,525 metric tons (MT) volume production loss ang naitala.

Nasa 21,441 ektarya ng taniman at 13,127 palay farmers sa mga lalawigan ng Quezon, ­Oriental Mindoro, Albay, Camarines Sur, Camarines Norte, Ca­tanduanes, Masbate, Sorsogon at Samar ang apektado.

Samantala, ang pinsala sa corn crops ay pumalo na sa P23 million o 286MT volume production loss.

May 4,255 ektarya ng taniman ng mais at 2,779 magsasaka sa mga lalawigan ng Albay, Camarines Sur, Masbate, at Sorsogon ang apektado.            VERLIN RUIZ

Comments are closed.