DAHIL makatutulong hindi lamang sa mga jeepney operator at driver kundi maging sa mismong mga mananakay, tiniyak ni House Senior Deputy Minority Leader at Buhay partylist Rep. Lito Atienza na hindi nila haharangin ang P3.9 billion na pondong ilalaan para sa Pantawid Pasada Program (PPP) ng Duterte administration para sa susunod na taon.
“We favor the program (PPP). Besides helping PUJ operators and drivers ride out rising fuel costs, it will also in a way shield consumers – jeepney passengers – by reducing the upward pressure on fares in the months ahead,” pahayag ng partylist solon.
Ayon kay Atienza, nakapaloob sa panukalang P3.757 trillion national budget para sa 2019 ang nasa P3.9-B pondo sa pagpapatupad ng PPP, na kumpara sa inilaan ngayong taon ay halos apat na beses na mas malaki.
Nabatid na ngayong taon, nasa 179,852 jeepney operators at drivers sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang nakatanggap ng lump sum na P5,000 Pantawid Pasada cash card.
Ang nasabing halaga ay para sa monthly subsidy mula Hulyo hanggang Disyembre ng taong kasalukuyan o katumbas ng P833 kada buwan. Ang cash card na ito ay magagamit lamang sa pagbili ng diesel ng jeepney operator o driver beneficiaries.
Sinabi pa ni Atienza na sang-ayon ang minority bloc sa layunin ng PPA bilang ‘social mitigating measures’ kaugnay ng pagpapatupad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.