QUEZON- ARESTADO ang dalawang suspek kasabay ng pagkakakumpiska ng ilegal na droga umaabot sa P3.9 milyon sa isinagawang buy-bust operation sa Purok Damayan 1, Brgy. Ibabang Iyam, Lucena City.
Batay sa report ng pulisya ang mga suspek ay nakilalang sina Angelo Tongo, alyas Nognog, 25-anyos, residente ng nasabing barangay at Judel Oandasan Gutlay, alyas Banjo, 33-anyos, residente naman ng Brgy. Ibabang Dupay sa nasabi ring lungsod.
Ayon sa Quezon Police Provincial Office (QPPO) na nakabili ang nagpanggap na posuer buyer ng isang plastic sachet ng shabu sa halagang P20-K mula sa suspek.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na maliban pa sa buy-bust item, nakumpiska rin sa mga suspek ang isang plastic bag na may lamang 12 piraso ng heat sealed transparent plastic sachet ng iligal na droga.
Nabatid pa na ang mga nakumpiskang droga ay tumitimbang ng 196 gramo na umaabot sa halagang P3.998,400.
Napag-alaman din ng pulisya na kasama sa listahan ng mga high value individual (HVI) ang dalawang suspek na sina Tongo at Cutlay.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang mga suspek habang ihinahanda pa ang kaukulang kasong isasampa laban sa mga ito.
EVELYN GARCIA