ANG pangako ng programang repormang pansakahan ay unti-unti nang nararamdaman makaraang maibenta sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at mga pribadong institusyon ang mahigit P3 bilyong halaga ng mga ani ng agrarian reform beneficiaries’ organizations (ARBOs) sa ilalim ng Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP) sa loob ng anim na taon.
Sinabi ni Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III na “ang balikatan sa pagitan ng ating mga ARBOs sa isang panig at ng mga ahensiya ng pamahalaan at ng mga pribadong institusyon sa kabilang panig ay napakahalaga sa pagsulong ng kaunlaran sa kanayunan.”
“Unti-unti, kitang-kita na ang pag-unlad ng ating mga ARBOs. Ipinahahayag lamang nito na kapag ang lahat ay nagkaisa, mayroon tayong magagawang pagbabago,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Estrella na ang pagtutulungan ng lahat ay napakalaking bagay sa giyera laban sa kagutuman at kahirapan sa kanayunan dahil maging ang imposibleng gawain ay nagagawa nang walang kahirap-hirap tulad ng pagpapalaya sa mga agrarian reform beneficiaries mula sa kamay ng mga mapagsamantalang mangangalakal na bumibili ng kanilang mga produkto sa napakamurang halaga.
Ang hindi makatuwirang kalakalang tulad nito ang siya aniyang lalong nagpapayaman sa mga mangangalakal samantalang lalong naghihirap ang mga magsasaka dahil sa kawalan ng kakayahang humirit ng makatuwirang presyo para sa kanilang mga ani.
Sa pamamagitan ng EPAHP, sinabi ng Kalihim: “nagawa nating kumbinsihin ang mga ahensya ng pamahalaan at ang mga pribadong institusyon na makibahagi sa pagpapaunlad sa kanayunan sa pamamagitan ng pagbili ng kani-kanilang mga pang-araw-araw na pagkain mula sa ating mga ARBOs sa makatwirang presyo.”
Nanawagan ang hepe ng DAR sa iba pang mga ahensiya ng pamahalaan at mga pribadong institusyon na bumili ng kanilang mga kakainin pang-araw-araw mula sa iba’t ibang grupo ng mga magsasaka at maging kabahagi sa gawain sa pagpapaangat ng kabuhayan sa kanayunan.
Sa mga pag-aaral na isinagawa, lumitaw na 70 porsiyento ng mga pinakamahirap ay nasa kanayunan na kinabibilangan ng mga magsasaka at mga mangingisda.
Sa kasalukuyan, 31 ahensiya ng pamahalaan at maraming mga pribadong institusyon ang tumugon na sa panawagan, kabilang ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na siyang pinakamalaking suki ng mga ARBOs.
May kabuuang 929 transaksiyon na ang BJMP sa ARBOs na katumbas ng P102,396,341.89 halaga ng mga produktong pang-agrikultura para sa pang-araw-araw na pagkain ng mga taong napagkaitan ng kalayaan na nasa ilalim ng pangangalaga nito. Ito ay 20 beses na dami sa P5,900,023.43 na nauna na nitong napamili sa ARBOs sa unang transaksiyon noong 2020.
Ang Medical Mission Group, ang grupo ng mga pribadong ospital, ang unang humagkan sa proyektong EPAHP nang makipagtransaksiyon ito sa dalawang ARBOs para sa halagang P3,682,638 produktong pang-agrikultura noong 2019. Ang halagang napamili nito ay lalo pang lumaki na umabot sa P25,505,627.75 sa loob ng anim na taon.
Bukod sa Medical Mission Group, marami pang mga pribadong istitusyon ang nakibahagi at nakipag-ugnayan nang 1,555 beses na naging daan upang makapamili sila ng P1,171,083,658.22 kabuuang halaga ng mga ani ng mga ARBOs. MA. LUISA MACABUHAY- GARCIA