PATULOY ang pamamahagi ng P3-billion na halaga ng cash assistance sa maliliit na magsasaka sa bansa na naapektuhan ng pagbagsak ng presyo ng palay noong nakaraang taon, ayon kay Agriculture Secretary William Dar.
“The P3 billion is now being given to those farmers in 33 provinces affected by the falling prices of palay,” wika ni Dar, at sinabing ang distribusyon ay unang isinagawa sa Pangasinan at Nueva Ecija noong nakaraang Disyembre.
“We’re hoping that within the whole month of January maibigay na lahat,” dagdag pa niya.
Ang 33 lalawigan ay inirekomenda ng Philippine Rice Research Institute na tumanggap ng financial aid makaraan ang masusing pag-aaral sa epekto ng pagbaba ng presyo ng palay sa local farmers.
Ayon kay Dar, nasa 600,000 magsasaka ang inaasahang tatanggap ng tig-P5,000 mula sa nasabing unconditional cash grant na hinugot sa sobrang pondo ng gobyerno noong 2019.
Isa pang P3 billion na cash assistance ang ipamamahagi sa mga magsasaka ngayong taon.
Sinabi pa ng DA chief na may P5 billion na halaga ng farm equipment mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ang inaasahang ipamamahagi sa mga magsasaka bago ang anihan sa dry season.
Ang RCEF ay bahagi ng Rice Tariffication Law na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019 na nag-aalis sa quantitative restrictions sa rice imports at nagtatakda ng 35% tariff para sa shipments mula sa Southeast Asia.
Bumaba ang farmgate price ng palay dahil sa pagbaha ng imported na bigas.
Gayunman ay iginiit ni Dar na magiging game-changer ang RCEF sa sandaling magamit ito nang tama. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.