P3-B DOT BUDGET, MAKIKINABANG ANG MGA PROMDI – NOGRALES

Rep-Karlo-Nograles

TIWALA si House Appropriations Chairperson Rep. Karlo “Ang Probinsiyano” Nograles sa malaking potensiyal na dagdagan ang kita ng mga nasa lalawigan at umaasa ito na gagamitin nang husto ng Department of Tourism (DOT) ang tatlong bilyong pisong budget ng ahensiya upang maisakatuparan ang hangaring ito.

Dinipensahan ng mga opisyal ng ahensiya ang DOT budget sa Kamara kahapon. Mahigit kalahati ng 3.044 bilyong pisong budget ng ahensiya ay ilalaan sa Market and Product Development Program.

“Sa usapin ng operations by program, 1.618 bilyong piso ang nakalaan upang lalo pang pagandahin ang Filipinas bilang isang produkto upang maialok bilang isang destinasyong panturismo sa ibayong dagat, maging sa ating mga kababayan dito sa bansa. Kapag nagtagumpay ang DOT sa maingat na paggamit ng budget na ito, siguradong dadami pa nang husto ang mga turistang bumibisita sa a­ting bansa,” paliwanag ni Nograles.

“At dahil marami sa ating mga destinasyon ang nasa mga kanayunan, ang malaking malilikom mula sa industriya ng turismo ay magpaparami rin ng pagkakataon sa kita ng ating mga kababayang probinsiyano.”

Ayon sa datos ng DOT, 6.6 milyong dayuhang turista ang sumadya sa Filipinas noong 2017. Nabunyag din sa ulat ng World Travel and Tourism Council Report na ang sektor ng turismo ay nakapag-ambag ng 3.35 trilyong piso sa ekonomiya ng bansa. Ito ay mahigit sa ikalimang bahagi ng  gross domestic product ng bansa. Nasa 2.3 milyong trabaho rin ang nakabase sa turismo, ayon sa nasabing ulat.

Ang mga numerong ito, ayon sa mambabatas mula Davao, bagama’t mataas na “ay maaari pang pagbutihin.”

“Kung ito ang kita na maaari nating malikha mula sa 6.6 milyong turista, isipin ninyo ang laki ng potensiyal para sa kabuhayan ng mga kapwa ko probinsiyano kung maakit natin ang kahit kalahati lamang ng mga turistang pumupunta sa Thailand,” dagdag ni Nograles.

Ang Thailand ay isa sa mga pangunahing destinasyon ng turista sa Asya. Noong 2017, 35.3 milyong dayuhang turista ang bumisita sa nasabing bansa.

“Ang malaking potensiyal ng industriya ng turismo ang dahilan kung bakit malaki ang budget ng ahensiya para sa mga ‘line items’ na nakalaan para sa pagpapalago ng turismo at pagtataguyod nito––kung gagamitin ng tama.”

Ang tinutukoy ng mambabatas ay ang budget ng DOT para sa advertising (1.1 bilyong piso), travel (200 milyong piso), professional fees (330 milyong piso), at representation (211 milyong piso).

“Susuportahan din siyempre ang budget na ito ng mga pondong ipupuhunan ng gobyerno sa imprastruktura upang lalo pang pagandahin ang ating mga paliparan at mga kalsada. Tinataya na ang turismo ay ang isa sa mga industriyang makikinabang sa Build, Build, Build, at umaasa tayo na pakikinabangan ito nang husto ng DOT.”

Comments are closed.