P3-K ANNIVERSARY BONUS SA MGA GURO, KAWANI NG DEPED

BILANG bahagi ng isang Linggong pagdiriwang ng ika-125 na anibersaryo ng pagkakatatag ng ahensiya, inihayag ng Department of Education (DepEd) ang pagbibigay ng P3,000.00 anniversary bonus sa lahat ng kuwalipikadong nagtuturo at non-teaching personnel.

Nakapaloob ito sa DepEd Order No. 11, s. 2023, “Policy on the Grant of Anniversary Bonus in the Department of Education,” ang mga kuwalipikadong tauhan ng DepEd ay tatanggap ng anniversary bonus na hindi hihigit sa P3,000.00 sa kondisyon na sila ay nakapagbigay ng hindi bababa sa isang taon ng serbisyo sa Departamento sa petsa ng taon ng milestone.

Nakasaad sa kautusan na ang lahat ng opisyal at empleyado ng DepEd na nagtatrabaho sa full-time o part-time basis, permanente, coterminous, provisional, temporary, casual, o contractual na ang trabaho ay nasa regular na empleyado ay karapat-dapat para sa pagkakaloob ng bonus ng anibersaryo.

Sa kabilang banda, ang mga absent without leave (AWOL) o wala na sa serbisyo noong Hunyo 23 ay napatunayang nagkasala ng anumang pagkakasala na may kaugnayan sa kanilang trabaho sa loob ng 5-taong pagitan sa milestone, gayundin ang mga consultant , job contract, job order ay hindi sakop ng grant.

Dagdag pa rito, nasa kautusan din na layong magbigay ng multi-year policy guideline sa pagkakaloob ng anniversary bonuses (AB) sa lahat ng opisyal at empleyado ng DepEd para sa bawat milestone year simula FY 2023 at ang milestone years pagkatapos nito.

Ipinagdiriwang ng DepEd ang ika-125 anibersaryo ngayong taon na itinatag noong Hunyo 23, 1898 na inatasan na magbigay ng de-kalidad na batayang edukasyon sa mga mag-aaral.

Ang mga taon ng milestone ay tinukoy bilang ika-15 anibersaryo ng ahensiya ng gobyerno at tuwing ikalimang taon pagkatapos nito.
ELMA MORALES