NATUKLASAN ng mga awtoridad ang paggamit ng mga drug syndicate ng private and commercial self-storage facility kasunod ng isinagawa ng pagsalakay ng Bureau of Customs Intelligence Unit at Philippine Drug Enforcement Agency sa isinagawang anti narcotics operation sa West Bicutan, Taguig City.
Nakumpiska ng mga tauhan ng BOC at PDEA ang sari-saring illegal drugs at mga drug paraphernalia mula sa sinalakay na commercial self-storage facility sa Western Bicutan.
Ang mga self-storage facilities ay paboritong rentahan ng ilang indibiduwal dahil mayroon itong enclosed at secure storage rooms para maitago pansamantala ang kanilang mga pag-aari na nauna nang nauso sa ibang bansa.
Sa ulat na isinumite kay BOC Commissioner Yogi Filemon Ruiz na sa bisa ng isang letter of authority, sinalakay ng Bureau of Customs-Anti-Illegal Drug Task Force, National Intelligence Coordinating Agency, PDEA Intelligence Service and Investigation Service, at PDEA Special Enforcement Service K9 Unit ang nasabing commercial self-storage facility katuwang ang local PNP.
Nasamsam sa operation ang may 500 gramo ng cocaine na may estimated value na P2.65 million; sari-saring E-cigarette o vape cartridges na may kargang suspected marijuana oil; tinatayang 30 gramo ng kush marijuana na may estimated value na P45,000.00.
Nakuha rin sa nasabing pasilidad ang transparent glass at plastic tube containers na naglalaman ng marijuana oil; iba’t ibang ziplock bags na may mga latak o residue ng illegal drugs; assorted drug paraphernalias at iba’t ibang identification cards.
Inihahanda na ng PDEA ang kasong paglabag sa sections 11 at 12 ng Article 2 ng R.A. 9165 laban sa mga may-ari ng naturang illegal drugs. VERLIN RUIZ