P3-M MULTA, 3 TAONG  KULONG SA PHILID SCAMMERS

PSA-2

PINAG-IINGAT ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang publiko laban sa mga scammer na nagpapanggap na mga empleyado na nangangasiwa sa pagpapatala para sa Philippine Identification System (PhilSys).

Ayon sa PSA, may mga ulat itong natatanggap na may ilang indibidwal na nagkukunwaring bahagi ng PhilSys team, na ilegal na nagpoproseso ng Philippine identification card (PhilID) na may kaukulang bayad.

Anang PSA, isang community group na may Facebook account na ‘Philippine National ID (News & Information)’ at isang in-dibidwal na ginagamit ang pangalang ‘Calvin Processings’ ang umano’y nangongolekta ng bayad para sa PhilID registration.

Ilan sa modus ng naturang mga pekeng account ang hikayatin ang kanilang target victims sa pagpo-post ng mapanlinlang na im-pormasyon tulad ng pagbibigay ng prayoridad sa kanilang kliyente para sa PhilSys registration. Hinihingan din nila ng bayad ang ipinagpapalagay nilang mga kliyente para sa tuloy-tuloy na transaksiyon.

Pinaalalahanan naman ng PSA ang publiko na libre ang registration sa ilalim ng PhilSys.

Binigyang-diin din ng ahensiya na walang bayad ang pagkuha ng national ID para sa lahat ng Filipino at dapat sumunod sa Data Privacy Act of 2012 kung saan ang pangangalap ng datos at impormasyon ay i-encrypt sa PSA server.

Pinaalalahanan ng PSA ang publiko na ang tunay na PhilSys personnel ay dapat na maayos na magpakilala, na kumakatawan sa PSA office at sa PhilSys project.

Pinayuhan ng PSA ang publiko na agad i-report ang pekeng posts, pages, o individuals na may illegal activities at transactions na may kaugnayan sa PhilSys project sa official account ng PSA PhilSys  via link https://www.facebook.com/PSAPhilSysOfficial o tumawag sa PhilSys hotline sa 1388 (hindi libre ang tawag).

Ang PhilSys registration ay may tatlong hakbang — pre-registration, registration, at pag-iisyu ng PhilID.

Nagbabala ang PSA na mahaharap sa kasong kriminal ang mga grupo o indibidwal na gagamitin ang PhilSys project para sa panloloko o yaong mahuhuli na ilegal na nag-iisyu ng PhilID.

Ang mga scammer ay papatawan ng multang mula PHP1,000,000 hanggang PHP3,000,000 at/o pagkaku-long ng tatlong taon, alinsunod sa Implementing Rules and Regulation (IRR) ng R.A. No. 11055 o ang Philippine Identification System Act.  PNA

Comments are closed.