P3-M PABUYA SA INFORMANT SA TANGKANG AMBUSH SA NEGOSYANTE

AMBUSH-2

HUMINGI ng hustisya ang isang negosyante  na tinangkang tambangan ng ‘di pa nakikilalang mga salarin  kaugnay ng pamamaril sa kanilang tahanan nito lamang Pebrero 29 sa St. Catherine Compound, Barangay Pandan, Angeles City, Pampanga.

Sa ginanap na Pandesal Forum sa Kamuning Bakery and Cafe, lumutang ang isang real estate developer na si Jeffrey Dizon, shareholder ng St. Catherine Realty Development kasunod ng kanyang natanggap na death threat kamakailan sa kanyang buhay gayundin sa kanyang buong pamilya.

Agad na nagpalabas ng P3 milyon cash reward money si Dizon para sa tutulong na informant upang matukoy at madakip ng buhay ang pinaniniwalaang sniper / accomplice at mastermind na nasa likod sa planong pananambang.

“I do not know who is trying to kill me and I do not have enemies, milagro lang kaya hindi ako tinamaan,” wika ni Dizon sa panayam ng Pilipino MIRROR na humihingi ng tulong.

Kasama ni Dizon ang kanyang abogadong si Atty. Eric Mallonga at Volunteers Anti-Crime and Corruption (VACC) President Boy Evangelista. BENEDICT ABAYGAR, JR.