P30-B INIHANDA NG PHILHEALTH SA TATAMAAN NG COVID-19

philhealth

ABALA ngayon ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa paghahanda ng P30-bilyong pondo upang ipangtustos sa hospitalisasyon ng mga Pinoy na mai-infect ng COVID-19.

Ipinahayag ni PhilHealth president Ricardo Morales, bukod sa mga apektado ng  COVID-19, handa ring sagutin ng kanilang ahensiya ang mga  gastusin sa pre-existing medical condition ng isang pasyente.

Nauna rito, ipinarating ng PhilHealth na hanggang Abril 14 lang nila sasagutin ang gastusin ng mga pasyenteng tatamaan ng COVID-19.

Aniya, ang paglalagay nila ng deadline ay dulot ng malawak at mabilis na pagkalat ng sakit.

Sa kasalukuyan aniya, wala pang existing case rate o package ang PhilHealth para sa kaso ng COVID-19.

Kaalinsabay nito, iginiit ni Morales na kahit sapat ang kanilang pondo ay limitado pa rin ito ng mga paggagamitan.

Nabatid na nito lamang Linggo nang i-report ng Health department na nasa 3,246 na ang kaso ng COVID-19 sa Filipinas.     BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.