P30-B OPV CONTRACT NILAGDAAN NG DND

ISANG launching ceremony ang isinagawa ng Philippine Navy para sa dalawang bagong gawang Israeli fast attack interdiction craft sa Haifa, Israel nitong Linggo.

Ang launching ceremony ay sinaksihan ng delegasyon ng Philippine Navy na pinangunahan ni Commodore Alfonso Torres Jr., Chairperson ng Pre-Delivery Inspection Team, at Commodore Roy Vincent Trinidad, Chairperson ng Fast Attack Interdiction Craft (FAIC) Acquisition Project Management Team.

Pinuri naman ni Torres ang magandang kooperasyong pang depensa ng Pilipinas at Israel sa naunang Multi-Purpose Assault Craft (MPAC) program ng Philippine Navy na lubhang pinakikinabangan ngayon ng Philippine Marines.

Ito ang nagsilbing daan para sa FAIC Acquisition Project, kung saan kasama sa kasunduan ang “Transfer of Technology” na kauna-unahan sa defense cooperation ng Israel at Pilipinas.

Matapos ang launching ceremony, ang dalawang barko ay sumailalim sa pre-delivery inspection mula kahapon hanggang sa Hunyo 30, bago pormal na i-turnover sa Philippine Navy.

Kasunod nito, inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa kanyang pamamaalam na pulong at almusal kahapon kasama ang mga mamamahayag na nagko-cover sa DND sa nilagdaan nitonv P30 billion Offshore Patrol Vessel contract .

Nabatid na iginawad sa Hyundai Heavy Industry (HHI) ang P30 bilyong OPV project dahil pumayag ang tagagawa ng barko na huwag palakihin ang mga gastos kahit na tumaas ang dolyar laban sa piso.

Naniniwala ang DND na ang naturang mga bagong patrol vessel ay magpapalakas pa sa maritime patrol capabilities of the Philippine Navy, dahil kabilang din dito ang technology transfer kasama na ang human engineering ope­rators at maintenance training of equipment at iba pa.

Inamin naman ni Lorenzana, atubili siya na pagpirma sa naturang bilyong bilyong kontrata lalo na at bababa na siya sa puwesto at baka akusahan pa siya na nagsagawa ng midnight deal.

Paliwanag naman ng DND ang naturang OPV project ay prayoridad ito sa ilalim ng tinaguriang Second Horizon ng Revised AFP Modernization Program na inaprubahan ni Presidente Rodrigo Duterte noon pang May, 2018. VERLIN RUIZ