INAASAHANG mailalatag na sa Oktubre ang Implementing Rules and Regulations o IRR para sa national ID system na nilagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte kamakalawa.
Ayon kay Dr. Liza Grace Bersales, National Statistician ng Philippine Statistics Authority (PSA), mayroon silang 60 araw para tapusin ang IRR upang masimulan agad ang pagpapatupad ng national ID System.
Sinabi ni Bersales na base sa kanilang pagtaya, posibleng gumastos ng P30 bilyon ang pamahalaan para mai-enroll ang humigit kumulang 100 milyong mga Filipino kasama na ang mga dual citizen na nasa ibayong dagat.
Upang matiyak na mabibigyan ng national ID ang lahat ng Filipino, isinasaad ng batas na kailangang ang pamahalaan ang lumapit sa tao sa pamamagitan ng mobile registration.
“Ang plano dito eventually hindi kailangan ng card, kailangan maalala mo lang ang number mo at kapag pumunta ka sa isang government agency o sa bangko ibigay mo lang ang number, i-scan ang biometrics mo, ‘yun na ‘yun,” ani Bersales
Samantala, aminado ang National Privacy Commission na hindi isandaang porsiyentong hindi mananakaw ang mga personal na impormasyon ng isang tao sa ilalim ng national ID system.
Ayon kay Raymond Liboro, chairman ng NPC, kahit naman ang mga pinakasopistikadong teknolohiya ay puwedeng maging biktima ng hacking.
Isa aniya sa posibleng mangyari sa national ID ay identity theft o pagnanakaw sa personalidad ng isang tao.
Gayunman, may mga ginagawa na silang hakbang kasama ang iba pang ahensiya ng pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng mga impormasyong maiimbak sa Philippine Statistics Authority para sa national ID.
Maliban dito, ibinabala ni Liboro na hindi simple o magaan ang mga parusang isinasaad ng batas para sa mga magkakasala sa batas.
“Marami na rin tayong mga kaparaanan, tinitignan mo rin ano ba ang maaaring maging impact ng pagpoproseso nito at ano ang mga mairerekomendang solusyon o measures, sabi ko nga ‘yung pangamba ng iba ‘yun din ang pangamba namin,” dagdag ni Liboro.
Pinawi naman ni House Committee on Population and Family Relations Chairperson Sol Aragones ang pangamba ng publiko na malalabag ang kanilang right to privacy sa Philippine Identification System.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Aragones na tanging mga pangunahing impormasyon lamang ang laman ng Phil-ID gaya ng larawan, pangalan, tirahan, araw at lugar ng kapanganakan, edad, civil status at fingerprint.
Sa data base naman ay optional ang paglalagay ng phone number at e-mail address.
Samantala, sinabi ni Aragones na hindi naman nakalagay sa batas na mandatory ang pagkuha ng Phil-ID.
Gayunman, mabibigo makuha ang serbisyong hatid ng gobyerno ng mga taong wala nito. LEN AGUIRRE-DWIZ882
KRIMINAL, REBELDE AT MGA TERORISTA MAHIHIWALAY
WELCOME sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines ang pagsasabatas ng Philippine Identification System Act o ang mas kilalang national ID system.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana “Based on our experience, armed conflicts and insurgencies are often rooted in poor governance and delivery of basic services. Having a national ID system in place will help government address the gaps in the identification of citizens entitled to receive government services, thereby making things more convenient for law-abiding Filipinos.”
Sinabi naman ni PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde, malaking tulong para sa PNP ang national ID system dahil mas magiging madali at mabilis ang pagresolba sa mga krimen at lalo pang mapabubuti ang peace and order ng bansa.
Ayon sa pamunuan ng AFP, isang paraan din umano ito para ma-isolate ang mga kriminal, rebelde at mga terorista .
“The national ID is a very important aspect of national security. It removes the insurgents’ and criminals’ advantage of anonymity. It will also restrict their movement and will have an effect on their recruitment and extortion activities, paliwanag naman ni AFP Public Affair Office chief Col Noel Detoyato.
Mabibigyan din ng pagkakataon ang mga awtoridad na silipin ang impormasyon ng isang indibidwal nang hindi lumalabag sa ibang batas na pumoprotekta sa privacy at karapatang pantao.
Sinasabing ngayong naisabatas na ang national ID system, malaking pakinabang sa publiko ang National Crime Information System at ang National Police Clearance System.
Nilinaw ni PNP spokesperson S/Supt. Benigno Durana na maililipat na ang mga system na ito sa national database na mas mabilis na makukuha ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno upang mas maging epektibo ang operational potential ng national ID system.
Paliwanag ni Durana, sa pamamagitan ng sistemang ito ay mas magiging mabilis ang pamamalakad ng gobyerno gamit ang mga makabagong teknolohiya lalo na pagdating sa census, taxation, election registration, banking, travel documentation, social security, social welfare, at iba pang transaksiyon sa gobyerno. VERLIN RUIZ
Comments are closed.