NAGBIGAY ng P30 milyong halaga ng medical instruments ang International Container Terminal Services, Inc. (ICTSI) Foundation sa city government of Manila bilang tulong sa isa sa mga ospital na pinatatakbo ng lungsod.
Inihayag ni Manila Mayor Honey Lacuna na ang Gat Andres Bonifacio Medical Hospital (GABMH) sa ilalim ng pangangasiwa ni Director Dr. Ted Martin ay nakatanggap ng donasyon ng medical instruments para sa kanilang ENT department.
Ang nasabing donasyon ay nagkakahalaga ng P30 million at binubuo ng top-of-the-line medical instruments.
Bukod dito, tinanggap din ng alkalde mula sa ICTSI Foundation ang kabuuang 235 units ng 50-inch Smart television para ilagay sa bawat classrooms ng Rosauro Almario Elementary School (RAES).
Sa kanyang maikling mensahe, pinasalamatan ni Lacuna sina ICTSI chair and president Enrique Razon, Jr., executive vice president Christian Gonzales at Foundation Deputy Executive Director Filipina Laurena sa kanilang generous donation sa newly-rehabilitated, ten-storey RAES kung saan 7,000 mag-aaral ang mabebenepisyuhan mula sa mataong distrito ng Tondo.
“Napakaswerte po ng RAES…. 11 lang po ang naibigay naming TV e ang daming classrooms… sinagad ng ICTSI foundation may 50-inch Smart TV nang mai-install sa classrooms… lahat ng classrooms ay magkakaroon na,” anang alkalde.
“Ayon sa experts, ang paggamit ng Smart TV ay lubos na nakapagpapahusay sa ugnayan ng mag-aaral sa pamamagitan ng visual aid. Dati mga paper, cards, illustration boards pero ngayon hi-tech na talaga, para din mapanatili ang interes ng mga mag-aaral,” pahayag pa nito.
Ayon kay Lacuna kailangang yakapin ang moderno at makabagong pamamaraan ng pagtuturo sa mga mag-aaral.
Kasabay ng pasasalamat sa grupo ng ICTSI sa pangunguna ni Razon na walang kapaguran sa pagtulong pamahalaang lungsod ng Maynila.
“Kami po sa pamahalaang-lungsod ay di mahihiyang manghingi. Alam nyo naman na di sapat ang pondo natin kaya masuwerte tayo at may mga kaibigan tayong gaya ng foundation na ni minsan ay di kami hinindian,” pahayag ni Lacuna.
VERLIN RUIZ