NASABAT ng mga tauhan ng Philippine Navy ang buto bulto ng smuggled cigarettes na tinatayang nagkakahalaga ng P300 million sa karagatang sakop ng Siasi, Sulu, sa ulat ng Naval Forces Western Mindanao (NFWM) kahapon.
Ayon kay Lt. Chester Cabaltera Naval Forces Western Mindanao (NFWM), sakay ang mga puslit na sigarilyo ng Sulu-bound cargo vessel na M/L 3 Brothers, na nagmula sa Malaysia.
Sa pahayag ni Cabaltera, may nakalap lamang silang impormasyon hinggil sa lantsa na tatawid ng Siasi water na may lulang kontrabando mula sa ibang bansa.
Walang maipakitang dokumento ng mga sigarilyo ang boat captain katulad ng import permit mula sa National Tobacco Administration.
Agad namang isinalin ng Philippine Navy ang mga nakumpiskang puslit na sigarilyo sa Bureau of Customs.
Ayon kay Segundo Sigmundfreud Barte Jr., customs district collector sa Western Mindanao at Basulta area, ang mga nakumpiskang sigarilyo ay pawang imported dahil sa kulay asul na selyo nito sa mga pakete.
Nabatid na tuloy tuloy ang pakikipag-ugnayan ng BOC sa Philippine Navy maging sa National Bureau of Investigation dahil ang nasabing area ang laging ginagamit na drop-off point ng smuggled cigarettes na pinupuslit mula sa south, bago ito dalhin sa mga kalapit na lalawigan sa Western Mindanao gamit na ang mga maliliit na bangka.
Pinaniniwalaang galing ang mga kontrabandong sigarilyo sa Malaysia, Indonesia at mga kalapit bansa sa Southeast Asia.
“Alam natin na sa Indonesia may malaking pagawaan talaga doon na sigarilyo. Doon ang pinakamalaking source ng tobacco leaves, mura talaga magpagawa doon,” ani Barte.
Hihintayin ng mga awtoridad na lumutang ang may ari ng shipment sa loob ng ilang araw at sakaling walang kukuha ng mga puslit na sigarilyo ay sisirain na umano nila ang mga ito. VERLIN RUIZ
Comments are closed.