TINATAYANG aabot sa P300 milyong halaga ang naging pinsala sa nasunog na gusali ng Manila Central Post Office na matatagpuan sa Liwasang Bonifacio Manila na naganap kahapon ng madaling araw.
Ayon sa pahayag ng ilang stay-in staff ng post office, nagising sila bandang hatinggabi na makapal na ang usok kung kaya’t agad silang lumabas sa naturang gusali.
Hindi pa sila gaanong nakalalabas ay nakarinig sila ng ilang pagsabog at mabilis na gumapang ang apoy sa ibat ibang bahagi ng gusali hanggang sa mabilis na lumaki ang apoy.
Sa pahayag naman ng chief of staff ng post office at Post Master General Luis Carlos, nagsimula ang sunog sa basement kung saan matatagpuan ang maintenance room at bodega na pinaglalagyan ng mga papel at mga piraso ng kahoy.
Sinabi pa ng mga staff na katabi pa ng maintenance room ang kuwarto kung saan ay pinaglalagyan ng mga sulat at mga padala.
Pero, tiniyak nila na hindi nadamay at ligtas ang mga national ID dahil nailipat na ito sa kanilang tanggapan sa Lungsod ng Pasay.
Umabot ang naturang sunog sa general alarm ang pinakamataas na fire alarm level.
Kaugnay nito, 7 katao naman ang napa ulat na nagtamo ng minor injury na kinabibilangan ng 5 bumbero at 2 fire volunteers.
Ayon naman sa Bureau Fire Protection, pasado alas-7 na ng umaga nang kanilang makontrol ang sunog.
Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa naglalabas ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa insidente na kung nadamay ang mga sulat at mga parcel.
Patuloy pa ring iniimbestigahan kung ano talaga ang pinagmulan ng sunog habang patuloy namang nakikipag-ugnayan ang Manila LGU sa pamunuan ng Manila Central Post Office para sa assistance na kakailanganin para maisaayos ang gusali na tinaguriang National Heritage Site.
EVELYN GARCIA