P300-M BONUS NG MGA EMPLEYADO (Inilabas na ni Mayor Erap)

joseph estrada

TOTOONG Merry Christmas ang umabot sa mahigit 8,000 empleyado ng Manila City Hall kasunod ng pag-apruba ni Mayor Joseph Estrada ng pagpapalabas ng halos P300 milyong bonus at Yuletide incentives ngayong taon.

Ayon kay Mayor Erap, kailangang maramdaman ng mga empleyado na “charity begins at home” dahil ang mga kawani ng lokal na pamahalaan ang buong taon na nagsisikap sa paghahatid ng serbisyo sa publiko at kumukulekta ng buwis para may magamit sa   mga proyektong panglungsod.

Sinabi naman ni City Budget Chief Pamela  Manzano    na malaking bagay ang  maayos na financial management ni Mayor Estrada dahil naibibigay ang mga obligas­yon ng pamahalaan.

“Hindi naman natin mababayaran ang P8 bil­yong pagkakautang ng city govermment na dinatnan natin kung hindi maayos ang paggasta,” sabi pa ni Mayor Erap.

Magugunitang naputulan pa ng supply ng koryente, telepono at tubig ang city hall dahil hindi nakabayad ang city government bago pa naging alkalde si Estrada. Si Mayor Estrada ang nakapagbayad ng lahat ng utang ng lokal na pamahalaan matapos siyang magpatupad ng mga reporma sa pamamahala ng pondo ng lungsod.

Bukod sa 13th month pay, naibigay na rin ng city government ang iba pang Christmas package at mga dapat matanggap ng 8,466 city employees.

Binigyang-diin ng alkalde na kung ano ng mga nakalaang pondo para sa mga empleyado ay kailangan nilang matanggap at hindi puwedeng ipagpaliban sa kahit ano pang dahilan.

“Sa ilalim lang ng lide­rato ni Mayor Estrada namin naranasan ang ganitong kasistematikong pagbibigay ng mga benepisyo dahil nga matatag ang financial status ng lungsod magmula nang siya ang maging alkalde,” sabi pa ng isang empleyado General Services Office.

Comments are closed.