TATLONG milyong piso ang tinanggap ng Philippine National Police (PNP) mula sa pamahalaan para sa pagsasanay ng mga pulis.
Ang naturang halaga ay pinondohan ng Special Provision No. 11 ng General Appropriations Act of Fiscal Year 2023.
Ayon kay PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. ang nasabing halaga ay gagamitin para mapahusay ang law enforcement capabilities ng mga pulis partikular sa paglaganap ng cybercrime sa bansa.
Kaugnay nito, isang Memorandum of Agreement (MOA) ang nilagdaan kahapon nina Azurin at Justice Secretary Crispin Remulla.
Nangako si Remulla na tuturuan ng DOJ ang mga pulis ng tamang pagsasagawa ng case build-up para hindi mabasura sa korte ang mga kaso dahil sa teknikalidad.
Nagpahayag naman ng kumpiyansa si Azurin na sa pamamagitan ng pinalawak na pagsasanay ay mas mauunawaan ng mga pulis ang mga batas na dapat nilang ipinatutupad. EUNICE CELARIO