P300-M PRODUCTION AID SA TOBACCO GROWERS

TULAD sa mga nagdaang taon, muling naglaan ang National Tobacco Administration (NTA) ng P300-million bilang production assistance sa tobacco growers sa pagpapatupad ng Tobacco Contract Growing System (TCGS) project nito ngayong cropping season 2021-2022.

Ang production aid na ipinagkakaloob sa mga magsasaka sa pamamagitan ng cash at material inputs na may 40% subsidy, ay mahalaga sa pagprodyus ng kinakailangang dami at kalidad ng tobacco na kinakailangan kapwa ng local at foreign market.

Mabibiyayaan nito ang may 4,000 farmer cooperators na may target coverage area na 2,000 hectares sa major tobacco-growing provinces sa Regions 1 at 2, at Abra.

Ang halaga — P100-million para sa tobacco production at P100-million para sa Curing Barn Assistance Project — ay nakapaloob sa panukalang budget ng  ahensiya para sa fiscal year 2022. Ang ahensiya ay naglaan ng  P100-million pa mula sa corporate funds nito upang pondohan ang kanilang market-driven tobacco production program.

Sa subsidiya, ang NTA ay magkakaloob ng kabuuang P120-million bilang financial assistance sa lahat ng TCGS contract growers.

Ayon kay Administrator/CEO Robert Victor G. Seares Jr., dinoble ng ahensiya ang  subsidiya, mula 20% sa naunang administrasyon sa  40% simula sa crop year 2020-2021.

Sa kanyang mensahe sa pagbubukas ng pre-tripartite conference sa tobacco floor price noong October 21, sinabi ni Seares na tinaasan ng NTA ang subsidiya “to help our farmers reduce their production cost in producing quality tobacco and earn more income in their effort, especially in this very challenging time for agriculture due to the pandemic.”