NAG-AALOK sa mababang interes ang Agricutural Credit Policy Council (ACPC) ng Department of Agriculture (DA) sa mga magsasaka, mangingisda at maliliit na negosyante na nais umutang sa mga priority loan programs nito.
Isa sa mga mandato ng kagawaran ang gawing available ang mga credit programs para sa maliliit na magsasaka at mangingisda sa rehiyon.
Ipinaliwanag ni Michael Jordan Roquid, Focal Person ng ACPC na isa silang attached agency ng DA na bukas sa pagpapahiram sa mga maliliit na magsasaka, mangingisda at Agri-Fishery based MSMEs.
Matatandaan na ang ACPC ay nabuo noong 1986 sa bisa ng Executive Order 113 upang tulungan ang DA na pagsabayin ang lahat ng credit policies at mga programa nito para sa mga benepisyaryo nito.
Ayon kay Roquid, kabilang sa kanilang mga programa ay ang AgriNegosyo Loan Program, Kapital Access for Young AgriPreneurs (KAYA) at Survival and Recovery Assistance Program (SURE).
Paliwanag ni Roquid, ang AgriNegosyo Loan Program ay para sa mga maliliit na magsasaka at mangingisda.
Ito ay nag aalok ng 2% loan interest at pwedeng ma-avail sa pamamagitan ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).
Ang RSBSA registered farmers lang ang maaaring makautang ng kapital para sa kanilang pagtatanim, pag-aalaga ng hayop o sa pagproseso ng fishery products na hindi hihigit sa P300,000.
Bukod dito, ang mga Agri-Fishery based MSMEs ay maaaring makahiram ng aabot sa P15 million para sa start-Up business o mga existing business, magagamit aniya ito sa marketing at processing ng produkto at pwedeng mabayaran ng hindi aabot sa limang taon.
Nilinaw ni Roquid na walang collateral na kinakailangan kung gagamitin ito sa pagtatanim o pag-aalaga ng hayop ngunit kung para sa pagbili ng makinarya o pagpapatayo ng mga gusali ay dito na papasok ang collateral.
Mayroon aniyang AgriPinay Loan Program para sa mga kababaihan na nasa agrikultura na maaaring makahiram ng hindi hihigit sa P100,000 na 0% interest na pwedeng mabayaran sa loob ng limang taon.
May programa ang ahensya na Kapital Access for Young Agripreneurs (KAYA) Program na target ang mga kabataan na maaaring makautang ng hanggang P500,000 na 0% interest at pwedeng mabayaran sa loob ng limang taon.
Dagdag pa ni Roquid, makakautang din ng P25,000 ang mga apektado ng kalamidad sa ilalim ng Survival and Recovery Assistance Program (SURE) na walang interes.
Samantala, binigyang diin ni Roquid na upang makapag-avail ng mga interventions ng DA at sa mga attached agencies nito, hinihikayat niya na magparehistro sa RSBSA.
Sa mga nais aniyang umutang, maaari ang mga itong magtungo sa opisina ng DA Bicol sa Pili, Camarines Sur at maaari ring mag-log in sa kanilang website na access.acpc.gov.ph.
RUBEN FUENTES