P301-B LUGI NG GOBYERNO

ISINISISI sa tax incentives na iginagawad sa mga malalaking negos­yante ang daan-daang bilyong pisong kita na nawawala sa gob­yerno.

Sa presentasyon ng Department of Finance (DOF) sa Kongreso, umabot sa P301 billion ang nawalang kita sa pamahalaan noong 2015 dahil sa tax incentives.

Malaking bahagi ng tax incentives ay ang import VAT na umabot sa 159.8 billion.

Sa kasalukuyan, may mahigit 100 batas ang umiiral na nagbibigay ng tax incentives.

Ito ang dahilan kung kaya isinusulong ng ­Duterte administration ang rationalization ng tax incentives sa mga ne­gosyo sa pamamagitan ng TRAIN 2.

Pero iginiit naman ni House Committee on Ways and Means Chairman Dakila Cua sa mga economic manager na kailangang patunayan muna nila na epektibo ang TRAIN 1 at hindi ito pahirap sa publiko bago nila atupagin at ipasa sa Kamara ang TRAIN 2.

Samantala, nagbabala si Kabataan PL Rep. Sarah Elago na po­sibleng mauwi sa financial crisis ang bansa dahil sa TRAIN law.

Aniya, ngayon pa lamang ay inaalmahan na ng mga kongresista sa MAKABAYAN ang panibagong isinusulong na TRAIN 2 ng gob­yerno na layong bawasan ang corporate income tax ng malalaking kompanya at alisin ang tax incentives sa mga dambuhalang korporasyon.

Sinabi ni Elago na dahil sa TRAIN ay wala nang kontrol ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo na maaaring mauwi sa krisis. CONDE BATAC

 

 

Comments are closed.