P304.2-M INFRA DAMAGE NI ‘KARDING’

UMABOT sa mahigit P304 milyon ang halaga ng pinsala na iniwan ni Super Typhoon Karding sa imprastruktura, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa kanilang 8 a.m. situational report, sinabi ng NDRRMC na ang halaga ng 43 damaged infrastructure sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Mimaropa, Bicol Region, at Cordillera Administrative Region (CAR) ay nasa P304,245,310.

Karamihan sa mga pinsala na kinasasangkutan ng 27 infrastructure ay matatagpuan sa Cagayan Valley, na nagkakahalaga ng P280,297,910.

Samantala, umakyat na sa P3,053,218,120.04 ang pinsala ni ‘Karding’ sa agrikuitura.

Ayon sa Department of Agriculture (DA), ang mga pinsala ay nagmula sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Bicol Region, at CAR.

Nakapagtala rin ang National Irrigation Administration (NIA) ng P23,750,000 halaga ng danyos sa Cagayan Valley.

Iniulat din ng NDRRMC na may kabuuang 58,172 bahay ang apektado ni ‘Karding’ — 52,802 sa Central Luzon, 5,099 sa Calabarzon, 262 sa Ilocos Region, lima sa CAR, at apat sa Cagayan Valley.

Sa mga naapektuhang bahay, 51,022 ang partially damaged, at 7,150 ang totally ­damaged.