HINILING ni Senadora Risa Hontiveros sa pamahalaan na pagkalooban ng P30k cash assistance ang mga pamilyang apektado ng pagsabog ng Bulkang Taal.
Ang panawagan ni Hontiveros sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay ipamahagi ang pondo para sa Emergency Cash Transfer at Emergency Shelter Assistance.
“Pantawid-upa at pantawid-sahod — ito ang tulong ng cash aid sa mga nawalan ng tirahan at hanapbuhay dahil sa pagsabog ng bulkang Taal,” ani Hontiveros.
“Hindi pautang kundi tulong mismo. Huwag na nating ibaon pa sa utang ang mga kababayan nating naging biktima,” dagdag pa ng senadora.
Binigyang-diin ni Hontiveros, ang nasabing tulong pinansiyal ay maaaring magamit ng mga pamilya sa loob at labas ng evacuation centers.
“May mga nasa evacuation centers na gustong sumilong sa mga kamag-anak nila na malapit. Puwede silang matulungan sa pamamagitan ng cash assistance na ito. May mga pamilya namang nasa labas ng evacuation centers pero nawalan ng income. Malaking tulong din sa kanila ito,” paliwanag ng senadora.
Ang kahilingan nito ni Hontiveros ay alinsunod na rin sa plano ng Pangulong Rodrigo Duterte na maglaan ng P30 billion supplemental budget bilang tulong sa mga biktima ng Taal volcano eruption.
“Puwede nang aksyunan ng Pangulo ang para sa cash grants. Gamitin na ang pwedeng gamitin sa current budget. Kailangang mag-realign ang mga Department Secretaries para gawin ito at pupunuin o ibabalik na lang sa pamamagitan ng supplemental budget,” ang senadora.
“Mahalagang i-earmark na sa supplemental budget ang direct cash assistance na puwedeng ipamigay sa mga pamilyang apektado. Sa cash aid, binabalik natin sa mga pamilya ang makapag-desisyon para sa sarili nila,” giit nito.
Kaugnay nito, kinumpirma ni Senador Christopher Bong Go na namigay ng tulong pinansiyal si Pangulong Duterte sa siyam na bayan sa Batangas maliban pa sa ibinigay niya sa provincial government.
Ayon kay Go, hangad ng Pangulo na mapabilis ang pag-recover ng mga bayan na naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal.
Kabilang sa mga bayan na nakatanggap ng pinansiyal na tulong mula sa office of the President ang Lipa city, Batangas city, Agoncillo, Tanauan, Mabini, San Luis, Sto. Tomas, San Jose at ang unang nabigyan noong nakaraang Biyernes na San Nicolas.
Samantala, nilinaw ni Go na suportado niya ang mga panukala na makakapagpabilis sa pagbangon ng mga apektadong pamilya.
Pabor din siyang magpaliwanag ang PHIVOLCS kung bakit mabilis ang mga pangyayari gayung hindi naman agad na nakataas sa level 4 ang alerto sa Bulkang Taal. VICKY CERVALES