P30K REWARD VS KURAKOT NG SAP

Erick Balane Finance Insider

ISANG damukal ang interesado sa alok ni Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte sa sinumang magsusumbong laban sa local officials at mga galamay nito kaugnay sa maling distribution ng Social Amelioration Project (SAP) at Social Amelioration Card o (SAC) na ikinasibak  sa puwesto ng isang barangay kagawad sa Bulacan.

​May isang hawig sa nangyari sa kagawad  o maaaring mas masahol pa na kinasasangkutan naman ng mga staff ng isang barangay sa Caloocan City.

​Sumulat sa punong barangay ang mahigit sa 300 mga residente na hindi nabiyayaan ng SAP-SAC. Hindi sila napasama dahil ipinagkatiwala ng kapitan sa kanyang mga ‘julalay’ ang pamamahagi ng forms. Ang nangyari, kundi  mga kaanak, kumare-kumpare, kaibigan, kasangga at umano’y mga supporter ng mga ito ang nabigyan, pati na ang ilang benepisyaryo ng 4Ps, pensioners,  may tindahan o negosyo, may trabaho at maging ilang personalidad sa kalapit-barangay.

​Nakitaan pa umano  ng bultong forms na itinatago sa kanyang lamesa ang isa sa mga tauhan ng barangay. Mayroong din nabisto na itinago sa ilalim mismo ng doormat. Diumano’y may blangko at may pangalan. Sinasabing marami sa nabigyan ng forms matapos na mai-cash ay kinakaltasan ng mga tiwali ng mula P1k hangggang P2k bilang porsiyento sa napagkalooban ng cash aid.

​Pati umano 16 tanod  ay nakinabang ng  tig-P2k para sa walong forms pero isa lang ang signatory. Sa kanilang liham sa punong barangay, hiniling nila na pagkalooban sila ng forms dahil nabibilang sila sa ‘poorest of the poor’ pero walang aksiyon ang kapitan. Anila, ‘di patas ang pamamahagi ng SAP-SAC forms at ‘di kuwalipikado ang karamihang nabiyayaan nito.

​Gusto ng espasyong ito na ipagbigay-alam kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Ano ang reklamong ito para maaksiyunan. May sipi sila ng kanilang sulat na inilalapit sa ating DILG secretary para mabigyan sila ng hustisya. ’Willing’ humarap o magbigay ng pahayag ang mga taong saksi sa pagkakatuklas ng mga itinatagong blangko at  may pangalang forms.

​Maaari ring  100% silang  qualified sa P30k reward na pangako ni Presidente Duterte. Handa silang lumantad para isiwalat ang katiwalian sa distribution ng SAP-SAC.

​”Ang isang head of the family na binigyan ng SAC form ang siya mismong susulat ng kanilang pro-file dahil ang LGUs ang mas may alam sa status ng kanilang constituents sa nature ng pagkatao ng mga ito kung kuwalipikado o nabibilang sa poorest of the poor. Ang mga LGU  ang siyang responsable o may pananagutan sa pamamahagi ng forms sapagkat taga-bigay lang ng cash money ang mga tauhan ng DSWD,” paliwanag ni Secretary Rolando Joselito Bautista.

​Ang cash aid ay intended sa bawat kuwalipikadong pamilya. Hindii sakop ng ayudang ito ang mga benepisyaryo ng 4Ps, DOLE, agriculture, DTI o tumatanggap ng pensiyon (senior citizens). Batay sa Bayanihan Law, ang bawat pamilya ay makatatanggap ng mula P5k hanggang P8k, depende sa minimum rate wage sa isang rehiyon.

​”Ang mga staff ng DSWD ang mananagot sa sandaling mayroong mawalang pera o magka-aberya sa kanilang panig, habang ang mga staff naman ng LGUs ang siyang mananagot sa maling pamamahagi ng distribusyon o pakikiparte sa perang dapat sana ay nakalaan sa isang partikular na benepisaryo ng SAP o SAC,” paliwanag ni Sec Bautista.

​”Sa kagustuhan ng ating Pangulong Duterte na matigil ang pangungurakot sa SAP (Social Amelioration Program),  siya po ay magbibigay ng P30k sa lahat ng magre-report laban sa local officials na kumakana ng ayuda sa mga mahihirap,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque.

​Para sa anumang komento o puna, mag-text lamang sa 09266481092 o mag-email sa [email protected].

Comments are closed.