P31 M MOLECULAR LAB SA PQUE BUBUKSAN NA

Edwin Olivarez

INIHAYAG kahapon ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang nakatakdang pagsisimula ng operasyon ng isa pang molecular laboratory sa Disyembre na matatagpuan sa Ospital ng Parañaque 2 sa lungsod.

Ayon kay Olivarez, nag-umpisa na ang mga representante ng Department of Health (DOH) at Research Institute for Tropical Medicine (RITM) Licensing Tram ang pagsasagawa ng validation at assessment bilang preparasyon sa pagbubukas ng naturang molecular laboratory.

Ani Olivarez , ang pagdalaw ng mga miyembro ng DOH at RITM sa naturang laboratory ay upang alamin kung pasado ito sa standard ng pagsasagawa ng RT-PCR test para malaman kung ang isang indibidwal ay positibo sa COVID-19.

Sinabi naman ni Public Information Office (PIO) chief Mar Jimenez, bagaman may mga kinakailangan pang ayusin sa lugar tulad ng flooring ay umaasa ang lokal na pamahalaan na maaaprubahan ang pagbubukas ng laboratory para maging fully-operational na ito sa darating na Disyembre.

Dagdag pa ni Jimenez, ang lokal na pamahalaan ay naglaan ng P31-milyon para sa pagpapagawa na nasabing molecular laboratory.

Sa huling datos ng City Health Office (CHO), sa kabuuang bilang na 7,368 positibong kaso ng COVID-19 ay 7,097 dito ang naiulat na gumaling na o may katumbas na 96.3% recovery rate habang 186 naman na tinamaan ng virus na ito ay sumakabilang buhay na. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.