MULING humirit ng umento para sa manggagawa ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) at hiniling nila ang P320 na umento sa arawang suweldo sa buong bansa.
Nilinaw ng TUCP na iba ito sa panukalang batas na layong itaas sa P750 ang minimum wage.
Ayon sa TUCP, tataas sa P832 ang minimum na sahod sa Metro Manila mula sa P512 habang ang P265 na minimum wage sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ay magiging P585.
Nilinaw ni TUCP Assistant Secretary General Vicente Camilon Jr., ang mangyayari ay differentiated o hindi pareho ang mga suweldo ng mga manggagawa sa lahat ng rehiyon.
Iginiit ng grupo na puwede itong mangyari at kayang ibigay kung gustong ibigay ng mga employer dahil ito ang dapat talagang napupunta sa mga manggagawa.
Ang P320 na umento sa sahod ay puwede umanong makuha sa inflation rate, ang inaasahang 10% na pagtaas sa gastos sa kuryente, tubig, at trans-portasyon at sa equity supplement. VERLIN RUIZ
Comments are closed.