P323.59-M SMUGGLED SIGARILYO WINASAK

ZAMBOANGA CITY- HINDI bababa sa 5,625 master cases at 1,171 reams ng mga nasabat na smuggled na sigarilyo ang winasak sa isang inuupahang bodega sa Barangay Tetuan sa lalawigang ito.

Ayon sa pahayag ni Bureau of Customs (BOC) District Director Arthur Sevilla, ang mga sigarilyo na umaabot sa P323.59 milyon ay nakumpiska sa maritime operations at sa inter-agency checkpoints sa Zamboanga peninsula, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi mula Mayo hanggang Nobyembre.

Sinaksihan ng mga kinatawan ng pulisya, Philippine Coast Guard, militar, Philippine Drug Enforcement Agency, lokal na pamahalaan at Commission on Audit ang pagsira sa mga nasabat na sigarilyo.

Binasa ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang mga sigarilyo saka dinurog gamit ang isang payloader.

Sinabi ni Sevilla na inaasahang matatapos sa loob ng dalawang araw ang pagtatapon ng mga nasirang sigarilyo.

Aniya, sinira ng BOC-Zamboanga port ang mahigit P2 bilyong halaga ng mga smuggled na sigarilyo mula noong Enero.

Pinuri ni Mayor John Dalipe ang BOC-Zamboanga sa kampanya nito laban sa smuggling.

Aniya, ang paglaganap ng mga smuggled na sigarilyo ay nag-alis ng buwis sa gobyerno gayundin ang pagtaas ng mga isyu sa kalusugan na may kinalaman sa tabako.
EVELYN GARCIA