HINIKAYAT ng isang kongresista ang Department of Labor and Employment (DOLE) na taasan na rin ang suweldo ng mga nurse na nasa pribadong sektor.
Ito ay bunsod na rin ng pagtaas ng sahod ng mga kawani ng pamahalaan, kasama na rito ang mga nurse, kasunod ng pagpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Salary Standardization Law (SSL) 5.
Hinimok ni Anakalusugan party-list Rep. Michael Defensor ang DOLE na itakda na sa P32,053 ang suweldo ng mga private nurse katulad sa mga matatanggap na sahod ng mga nurse sa gobyerno na nasa entry-level o mas mataas pa rito.
Paliwanag ng kongresista, sa pamamagitan ng regional tripartite wages and productivity boards ay may kapangyarihan ang DOLE na baguhin ang minimum pay ng lahat ng mga manggagawa sa industriya, kasama na ang mga nurse na nasa private hospitals, clinics, at diagnostic centers.
Sinabi ni Defensor na dapat mahikayat ang mga bagong nursing graduate na magtrabaho sa mga ospital sa bansa, kapwa sa public at private, upang magkaroon ng matatag na suplay ng mga nurse. CONDE BATAC
Comments are closed.