P33.8-B PINSALA SA INFRA NG ABRA QUAKE

MAHIGIT sa P33 bilyon ang pinsala sa imprastruktura ng magnitude 7 earthquake na yumanig sa Northern Luzon noong Miyerkoles ng umaga.

“As of reporting time, the cost of damage to infrastructure is P33.8 billion in Ilocos Region alone,” pahayag ni Office of Civil Defense (OCD) Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro sa isang briefing sa Abra na dinaluhan ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.

Ayon kay Alejandro, nangangalap pa ng impormasyon ang mga kinauukulang ahensiya at regional offices sa pinsala sa agrikultura at iba pang ari-arian ng lindol.

Naunang sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa CNN Philippines na tinatayang nasa P33.8-million ang pinsala sa imprastruktura ng lindol.

Idinagdag ni NDRRMC spokesperson Mark Timbal na ang mga rehiyon na labis na naapektuhan ng lindol ay ang CAR at Ilocos, subalit ang numero ay nakasasakop lamang sa Ilocos Region, Central Luzon, at Metro Manila.

Wala pang pagtaya sa pinsala sa historical sites sa Ilocos Region ng lindol na ikinasawi ng lima katao at ikinasugat ng marami pang iba.

“We have received reports that historic or heritage structures also suffered damages from the earthquake. We haven’t proceeded with the valuation of this infrastructure given that there is a different procedure for historic sites,” paliwanag ni Timbal. “The damage computation does not yet include the historic structures as of this time.”

Ang historical sites tulad ng Bantay Bell Tower, Vigan Cathedral, ilang heritage houses sa Ilocos Sur, at iba pang mga simbahan sa Abra at Ilocos Norte ay bahagyang napinsala o bahagyang gumuho kasunod ng malakas na lindol.

Inaasahang tataas pa ang pagtaya makaraang iulat ng Department of Education na hindi bababa sa 35 eskuwelahan ang napinsala ng lindol, kung saan ang halaga ng reconstruction at rehabilitation ay aabot sa P228.5 million.

Ayon kay Timbal, ang bilang ng mga eskuwelahan na napinsala ay umabot na sa 61.

Samantala, 37 lungsod o munisipalidad ang nakaranas ng power outage, at hindi bababa sa 19 kalsada ang hindi madaanan dahil sa lindol, ayon sa situational report ng NDRRMC.