CAVITE – UMAABOT sa 40 bricks at 33 kilong pinatuyong dahon ng marijuana ang nasabat ng pulisya sa apat katao sa loob ng SUV sa bahagi ng Dasmarinas City nitong Lunes ng madaling araw.
Kasalukuyang nasa police detention facility ang mga suspek na sina Orlando Abong y Omelet, 29-anyos; alyas Chris, Jeremiah Schroeder y Monte, 28-anyos at si John Edmar Ortelano y. Cinco, 23-anyos habang nakatakas naman ang isa pang suspek na nakilala lamang sa alyas Bowen.
Sa Police report ng Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, nagpapatrolya ang Police Outpost 5 at 9 sa pangunguna ni Lt. Col. Juan Penafiel Oruga nang maispatan nila ang isang Innova (VEU209) na nakaparada sa madilim na alanganing lugar.
Gayunpaman, nilapitan ng mga operatiba ng pulisya ang nasabing sasakyan na lulan ang mga suspek para sitahin subalit nag-asal barumbado laban sa mga pulis kaya napilitang arestuhin at usisain ang nasabing SUV.
Dito na nadiskubre ang 40 bricks ng marijuana na nakalagay sa plastic container, 33 kilong pinatuyong dahon ng marijuana na may street value na P330K, 2 botelya ng liquid marijuana kung saan kinumpiska rin ang Innova na may plakang VEU 209.
Inatasan naman ni Provincial Director Col. Christopher F. Olazo na isailalim sa tactical interrogation ang mga suspek bago ipa-inquest sa Provincial Prosecutors Office sa pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9165. MHAR BASCO