P34.6-B PA SA METRO MANILA SUBWAY INILAAN NG GOBYERNO

SUBWAY

NAGLAAN ulit ng malaking pondo ang gobyerno para sa Metro Manila Subway Project sa ilalim ng 2021 budget.

Ayon kay Committee on Appropriations Vice Chairman Luis Campos, aabot sa P34.6 billion ang pondong inilaan sa Metro Manila Subway Project bunsod na rin ng pagtaas sa infrastructure spending ng gobyerno para sa mabilis na pagtatayo ng public railways.

Ang nasabing pondo ay dagdag sa P11.3 billion noong 2019 para sa kauna-unahang underground commuter train system na tatakbo mula Mindanao Avenue sa Quezon City hanggang NAIA Terminal 3 sa Pasay.

Sa ilalim pa ng P4.5-T 2021 national budget, mayroon ding inilaan na P96.2 billion para sa Capital Outlay ng Department of Transportation (DOTr) para sa pagsasaayos ng railway system sa buong Luzon, kasama na rito  ang 36-km Metro Manila Subway.

Tiwala si Campos na ang hinaharap ng mass transportation ay maaasahan, mabilis, maayos at ligtas para sa publiko.

Inaasahang sa mga susunod na taon ay 75% ng mga Filipino ay maninirahan at magtatrabaho sa mga siyudad  kaya ang pagtaas ng kapasidad ng train system, ground man ito o elevated structures, ang  tugon para sa mabilis na pagkilos at biyahe ng mga tao.                CONDE BATAC

Comments are closed.