BINISITA ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang isinasagawang rehabilitasyon ng Ormoc Airport kasama sina DOTr Undersecretary for Finance Garry de Guzman, Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Director General Jim Sydiongco, at CAAP Deputy Director General for Administration Ricardo Banayat.
Ang airport ay matatagpuan sa Barangay Airport ng Ormoc City kung saan mayroon itong kabuuan na sukat na aabot sa 41 hektarya.
Ayon sa pahayag ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), pinondohan ito ng pamahalaan ng umaabot sa P34 milyon.
Matatandaan na nasira ang airport bunsod ng hagupit ng malakas na hangin at ulan dala ng bagyong Yolanda noong 2013 kung saan naging sentro ang lalawigan ng Leyte at Samar.
Kasama sa mga nawasak ang kanilang terminal building, administration building, opisina ng CAAP, runway ng paliparan at maging ang PTB.
Ang Ormoc Airport runway ay may sukat na 2,042m x 36m.
Inaasahan ng pamahalaan na matatapos ang proyekto sa 2020.
Positibo ang Department of Transportation (DOTr) na kapag naisakatuparan ito ay aangat ang pangkabuhayan ng mga residente maging ang turismo sa lugar na ito.
Isa sa ipinagmamalaki ng mga taga-Ormoc ang kanilang mga tourist spot katulad ng Lake Danao, Tongonan Hot Spring National Park, at ang pinakamataas na Alto Peak mountain sa Eastern Visayas. FROI MORALLOS