P340-B BAYANIHAN 3 ISINUSULONG SA KAMARA

Stella Quimbo

DAHIL sa pagbagsak ng ekomiya ng bansa sa unang tatlong quarter ng taon at sa inaasahang patuloy na paghina ng mga negosyo dala ng COVID-19 pandemic, iminungkahi ng isang ranking member ng minority bloc sa Kamara ang pagkakaroon ng Bayanihan 3 Law.

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni House Assistant Minority Leader at 2nd Dist. Marikina City Rep. Stella Quimbo na kahit pilit na niluluwagan ang health protocols para bigyang-daan ang komersiyo, operasyon ng mga industriya at paghahanapbuhay, hirap pa rin ang bansa na tuluyang buhayin at pasiglahin ang ekonomiya.

Bagama’t sa pagtaya ng economic managers ay nasa 5.5 percent ang magiging economic decline ng Filipinas sa kabuuan ng 2020, sinabi ng Marikina City lawmaker na malabong mangyari ito dahil base sa kanyang komputasyon, kailangang lumago ang GDP ng bansa sa fourth quarter ng 6.5 percent.

“A more realistic forecast is what various international groups have projected: an 8 to 10 percent decline in the 2020 GDP. At eto ang malaking problema. The 2021 General Appropriations Bill which authorizes a total spending of P4.506 trillion, is based on the assumption that the economy will contract at only 5.5 percent,” aniya.

Kaya naman iginiit ni Quimbo na kulang na kulang ang magiging COVID-19 response fund ng pamahalaan para sa susunod na taon at ang maaaring resulta nito ay hindi pa rin magkakaroon ng economic growth ang bansa.

Paliwanag ng dating professor at department chair  ng University of the Philippines (UP) School of Economics, sa ilalim ng 2021 GAB, P31.4 bilyon ang ilalan sa health response at mahigit sa P700 bilyon para sa economic recovery programs, bukod pa sa P33.6 bilyong COVID-19 expenditures o kabuuang P838.4 bilyon.

Bunsod nito, nais ni Quimbo na isulong ang Bayanihan 3 Law, na popondohan ng hindi bababa sa P340 bilyon at maaaring maipatupad agad sa susunod na taon.

Ang nasabing pondo ay iminumungkahi ng kongresista na gamitin para sa pabibigay ng ayuda sa mga pinakamahihirap na pamilyang Filipino, unemployment assistance na pamamahalaan ng labor department, pagkakaloob ng insentibo sa mga negosyo at manggagawa, internet allowances sa teachers at mga estudyante, at pagbili ng anti-COVID-19 vaccines.   ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.