PLANO ng Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) na amyendahan ang kanilang petisyon na humihiling na taasan ang sahod ng mga manggagawa sa Metro Manila kasunod ng pagsipa ng inflation sa 6.2 percent sa third quarter ng taon.
Ayon kay ALU-TUCP spokesperson Alan Tanjusay, mula P320 na kanilang hiniling noong Hunyo ay itataas nila ito sa P344.
“Prices of food and costs of services continue to rise since June. So we are crunching the numbers to faithfully reflect the needs of workers and their families to cope with current 6.2-percent inflation rate. We might amend our first wage hike petition so that the wage board would have a real time appreciation of realities surrounding the challenges facing workers,” wika ni Tanjusay.
Ang July-September inflation ay mas mataas sa 4.8-percent average na naitala sa second quarter ng taon, gayundin sa 2.7 percent sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ito rin ang pinakamataas magmula nang pumalo sa 8.3 percent ang inflation sa second quarter ng 2008.
Sinabi ni Tanjusay na hihirit ang ALU-TUCP ng tama at makatuwirang dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa Metro Manila sa nakatakdang wage hike consultation sa Lunes, Oktubre 22.
Aniya, ang P320 wage hike petition na inihain ng grupo noong Hunyo ay sumasalamin lamang sa umiiral na kondisyon ng first quarter inflation rate.
Ang Regional Tripartite Productivity and Wages Board-National Capital Region ay nakatakdang magpulong sa Lunes upang idaos ang una sa tatlong consultations at public hearing sa pagtukoy kung magkano ang magiging umento sa Metro Manila.
Ang mga manggagawa sa Metro Manila ay kasalukuyang tumatanggap ng P512 daily minimum wage.
Noong Biyernes ay sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III na bago matapos ang Oktubre ay posibleng aprubahan na ng NCR Wage Board ang wage hike ngunit maglalaro lamang ito sa P20.
Mas mababa ito kumpara sa P21 na umento noong Oktubre ng nakaraang taon.