P345-K SHABU NASABAT SA 2 NARCO COURIERS

CAVITE – DALAWANG narco couriers na sinasabing nasa talaan ng high value target ( HVT) ng PNP ang nasakote ng mga awtoridad makaraang makumpiskahan ng P345K halaga na shabu sa inilatag na buy-bust operation sa bahagi ng Brgy. H2, Dasmarinas City sa lalawigang ito kamakalawa ng hapon.

Isinailalim sa tactical interrogation bago kasuhan sa paglabag sa RA9165 ang mga suspek na sina Jalal “Zainal” Imam y Batuwas at Jamilah Binatara y Dida-Agun alias Jamilah, kapwa nakatira sa nasabing barangay.

Sa inisyal na police report na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, nagpositibo sa masusing surviellance ang mga suspek kaugnay sa kanilang modus operandi na drug trade kaya isinagawa ang anti-drug operations.

Naaktuhan ang mga suspek na nagbenta ng 50 gramo na shabu sa isang poseur buyer na pulis kaya hindi na nakapalag ang dalawa kung saan nasamsam ang ilang drug paraphernalia, mark money na ginamit sa buy-bust operation at isang coin purse.

Kasalukuyang nasa police detention facility ang mga suspek matapos sumailalim sa drug test habang pina-chemical analysis naman ang 50 gramo na shabu na gagamiting ebidensya sa pagsasampa ng kaso sa Cavite Provincial Prosecutors Office. MHAR BASCO