P35-B BUDGET CUT SA DOH

Rep-Rolando-Andaya-Jr

NAKATAKDANG magpulong anumang araw ang Malakanyang at Kamara kasama na ang iba pang opisyal ng gobyerno para hanapan ng solusyon ang napipintong pagkaltas ng P35 billion mula sa kabuuang pondo na ilalaan sa Department of Health (DOH) para sa susunod na taon.

Aminado si House Majority Leader at 1st Dist. Camarines Sur Rep.  Rolando Andaya, Jr. na “masyadong malalim ang budget cut” na ito at mayroong malaking epekto sa pagkakaloob ng serbisyo at programa ng pamahalaan partikular sa aspeto ng pangkalusugan.

“Malalim ang cuts sa health. It is so deep that it hits a major artery of government service,” sabi pa ng kongresista kung saan mula sa kasalukuyang P109 billion ay magiging P74 billion na lamang ang budget ng DOH sa ilalim ng 2019 General Appropriations Act (GAA).

Pangunahing dahilan sa pagbabawas sa pondo na ito ng DOH ay ang pagbasura ng Duterte administration sa Health Facilities Enhancement Program (HFEP), na ngayong 2018 ay pinaglaanan ng P30.3 billion subalit sa 2019 ay P100 million lang ang budget para dito.

Ang HFEP, na isang multi-year program na para sa pagsasaayos ng iba’t ibang health facilities gaya ng ospital at barangay health stations at sinimulan sa panahon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

Subalit, dahil umano sa ilang alegasyon ng katiwalian o iregularidad sa pagpapatupad nito ay nagpasya ang Malakanyang na hindi man tuwirang isantabi ay bigyan na lamang ng napakaliit na pondo, na para maituloy lamang ang mga nakabimbing proyekto sa ilalim nito.

Giit ni Andaya, tila biglaan ang kapasyahan na kontrolin ang implementasyon ng HFEP lalo’t batid naman na patuloy ang tumataas ang pangangailangan sa serbisyong medikal na maraming mamamayan.

“Puno ang mga hospital natin. Kulang sa gamot. Kulang ang laboratory equipment. Kulang ang  beds. Hindi ba natin puwede gastusan ang mga ito? There are also hospitals in need of building expansion. The health system needs an infusion of funds, not a cutback,” pagdidiin pa ng kongresista.

Hindi umano mala­yong makaapekto rin ang panukalang budget cut sa DOH sa pagkawala ng trabaho ng medical professionals, gaya ng mga doctor, dentist, nurse at midwife partikular ang mga nakatalaga sa iba’t ibang rural areas sa ilalim ng ‘health deployment program’ ng kagawaran.

Kaya naman umaasa si Andaya na sa gagawing pag-uusap ng mga opisyal ng palasyo at Kamara ay makabuo sila ng mga hakbang na ipatutupad upang kung hindi man mapigilan ang kaltas sa pondo ng DOH ay maibsan ang mabigat na resultang idudulot nito.   ROMER  BUTUYAN

Comments are closed.