MABIBILI na ang mas murang P35 kada kilong commercial rice sa mahigit 200 piling supermarket sa buong bansa.
Bahagi ito ng “Presyong Risonable Dapat Program” ng Department of Trade and Industry (DTI) kung saan dapat hindi lalagpas sa P38 kada kilo ang presyo ng commercial rice.
Mas mababa ito sa P47/kilo na dating pinakamurang bentahan ng bigas sa mga supermarket.
Ayon kay Trade secretary Ramon Lopez, pamaskong handog ito ng DTI, Department of Agriculture, National Food Authority (NFA), at pribadong sektor sa mga mamimili.
Kaparehas ang kalidad ng bigas sa well-milled imported rice na ibinebenta sa mga palengke, ani Lopez.
Tiniyak din ni Lopez na mananatili sa P27 kada kilo ang presyo ng NFA rice kahit na hindi maisabatas ang rice tariffication bill, na layong alisin ang ilang quantitative restrictions sa bigas at pagpayag sa pag-import ng private traders.
May mga paraan aniya ang pamahalaan at nasa kanila pa rin ang desisyon ukol sa pagpepresyo sa NFA rice.
Nauna nang sinimulan ng isa pang supermarket ang pagbebenta ng murang bigas alinsunod sa nasabing programa.
Comments are closed.